Main contents
Creative Nonfiction by Edgar Bacong | November 29th, 2009
Magdadalawang dekada na ang inilagi ko sa labas ng bansa. Madalas kapag narinig ito ng mga di pa lubusang nakakakilala sa akin ay kaagad silang maghihinuha na mayaman na ako. Kumbaga, sinusukat nila ang naipon kong Swissfrancs sa tagal ng paninirahan ko sa Switzerland.
Sa simula, naaasiwa ako sa pahayag na ito. Subalit sa pagtakbo ng panahon ay sinasakyan ko na lamang ito’t inaamin na totoong mayaman ako. Iyon nga lang di sa pera kundi sa mga naipon kong karanasan bilang isang migrante. At ito ang nais kong ibahagi sa aking mga kababayan. Di lamang sa mga naglalayon na mangibangbayan kundi gayundin sa mga nananatili sa bansa sa kabila ng karalitaan. Bukod pa, ilang beses na rin akong tinanong at tiyak patuloy na tatanungin ng mga bagong saltang Pilipino sa Switzerland, tungkol sa kung paano maging magaa’t kaaya-aya ang pangingibangbayan. Kaya minabuti kong isatitik na rin ito.
Read the rest of this entry »
Creative Nonfiction by Edgar Bacong | July 19th, 2009
Kung luho mang maituturing ang pagbibiyahe, maluwag sa dibdib kong aaminin na ito ang isang bagay na kailanma’y hinding-hindi ko maaaring ipagkakait sa aking sarili.
Nag-umpisa akong maglakbay sa iba’t-ibang bahagi ng mundo nang ako’y mangibangbayan. Ngunit hindi ang mga lugar na binisita ko ang pagtutuunan ko ng pansin sa sanaysay na ito. Kundi ang mga panggugulo at panlalait na tagpong aking naranasan bilang isang biyaherong Pinoy. Lalung-lalo na ang nakapapagod na proseso sa pag-aplay ng visa. At ang pagharap sa mga kinatawan ng imigrasyon sa tuwing papasok pa lamang ako o di kaya’y papalabas na ng isang bansa.
Read the rest of this entry »
Poetry by Edgar Bacong | June 21st, 2009
Tulad nang ipinataw ng taglamig
Sa mga pontanya ng syudad,
Itinigil niya ang pag-agos ng galak
Sa katawan kong sabik sa init-araw.
At kung may gunita mang pangahas
Na dadaloy sa isipa’t
Liligwak sa mga labi’y
Sasalukin niya maging
Ang madalang na mga patak
Upang pagkatapos ay papagyeluhin,
Patutulising tila mga estalaktita
At iuumang sa pandamdam.
Read the rest of this entry »
Poetry by Edgar Bacong | June 21st, 2009
Inilagak ako sa isang sulok
Na walang bumibisita maliban
Sa mga kakilalang alikabok.
Sa pag-iisa, isa-isang inuusisa
Ang mga katangiang humuhugis
Sa kabuuan ng aking pagkalubid:
Bawat makintab na hibla’y
May isang libo’t-isang saysay;
Ang mala-daliring diyametro’y
Pansilo sa mga payak na damgo.
Kaya di ko ikinamangha minsang
Sa aki’y may paslit na dumampot.
Bulong ko ngayon sa palibot:
May silbi na ang aking eksistensya.
Ngunit nang sa leeg ako’y ipinansabit
Wala akong ibang dalit na nasambit—
Sana ako na lang ang n
a
p
a
t
i
d
.
Read the rest of this entry »
Poetry by Edgar Bacong | December 28th, 2008
Nagpinta ka
sa lupalop ng aking gunita—
ng mga natuklap na kaban at maleta,
ng mga napudpod na sapatos at sandalyas,
ng mga nasugatan na pantalon at bestida.
Tumugtog ka
sa lupalop ng aking gunita—
ng mga hiyaw ng sanggol na gutom,
ng mga lagapak na interogasyon,
ng mga buntong-hininga ng disilusyon.
Read the rest of this entry »
Poetry by Edgar Bacong | December 7th, 2008
Puta ang turing ko sa syudad
sa mga sandaling kinukumutan
ng kulay abo ang kalangitan.
Nagmemeyk-ap ng maputlang ilaw
upang ikubli ang mga bitak at dungis
ng bawat edipisyo, iskinita’t kanto.
Nagsusuot ng mga karatulang
bumabakat sa mga panindang
nangangako ng kaluwalhatian.
Read the rest of this entry »