Mga Naiwang Tagpo at Tala sa Talaarawan Nitong Huling Dekada ng Kalungkutan

Poetry by | February 19, 2017

UNANG TAGPO:
Nakatira ako sa tuktok ng bundok
kung saan abot ng dalawang talampakan ko ang mga ulap.
Isang umaga, pagkagising, narinig ko ang himig ng mga tutubi
Na salit-salitang dumadapo sa mga nakatitig na bulaklak.
Hinuli ko ang pinakamatandang tutubi,
Pinitas ang mga pakpak nito, ikinulong sa palad, at iniuwi.
Marahan ko itong inilagay sa bilog na garapon,
At saka buong araw itong tinitigan at pinanood,
Habang ang kulay nito’y nagbabago-bago,
Berde, pula, asul, at ang ‘di maipintang kulay ng buwan
Tuwing makikipagsiping ito sa kasintahang bituin.
Iyon ang unang pagkakataong nakahuli ako ng tutubi,
At simula nang araw na iyon, lagi na akong dinadalaw ng kanilang lupon
Sa panaginip, nakikipag-usap at nagtatanong:
“Bakit nga ba napakaraming kalungkutan sa mundong ito?”
Kumurap ang kaliwa kong mata, kumurap din ang kanan niyang mata.
Isang pagkahaba-habang hikab ang ibinalik ko sa tutubi,
At saka malakas na malakas na pagtawa,
At ang tawang iyon ay para sa lahat ng hindi marunong tumawa.

Continue reading Mga Naiwang Tagpo at Tala sa Talaarawan Nitong Huling Dekada ng Kalungkutan