Rebyu

Poetry by | July 11, 2010

Ilang araw na akong nagkukumahog   
Sa aking rebyu, urong-sulong ng gulong   
Ang pag-usad, habang ang lumang orasan   
Nakaismid, walang humpay sa pagbulong   
“Maghapon kang walang puknat sa kaka-chat!”   

Kanina, kaulayaw ko aking Musa   
Ngumiti’t bantulot na ako’y yakapin 
Nang ako’y napabalikwas, nagtataka 
May gapos ang mga kamay nang magising!

—-
Vangie Dimla-Algabre teaches in a Davao City school.

Balota

Poetry by | May 16, 2010

dati-rati’y manu-mano
at taimtim kong isinusulat sa balota
ang mga pangalan ng aking kandidato
habang umuusal ng dalangin
na sana ang bayan ko ay makaahon
sa kumunoy ng karukhaan.

maraming beses na akong umasa
na sagrado ang aking boto,
na santo ang napiling kandidato.

maraming beses na akong tumaya
sa mga pulitiko, antigo at bagito,
nadaya o nandaya.

ngayon ay mas mahaba na ang balota,
napakaraming pagpipilian, may party list pa.
isusubo ko ang balota sa makina
(hindi na sa ballot box)
dahil ang eleksyon ay automated na.

sana ako ay  tumabla na
kahit minsan lang
sa muli kong pagsusugal.

—-
Vangie Dimla-Algabre teaches high school students.

Nobyembre 23, 2009, Shariff Aguak, Maguindanao

Poetry by | January 3, 2010

May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo…
–Amado Hernandez

Musmos pa lamang nang aking isinaulo
Ang obrang tula ni Ka Amado;
Mga titik nito’y idinambana sa isipan,
Medalya’y nasungkit mula sa paligsahan.

Ilang taon pa’t kamalayan unti-unting nagising
Bakit luha ng bayan ay hindi maampat;
Ang bayan ko’y alipin, hindi ng ibang lahi,
Ang bayan ko’y busabos ng kapwa kayumanggi.

Sino ang kakapitan?
Kapitalista, pulitiko, gobyerno ay iisa;
Bingi sa panaghoy ng lugaming bansa
At ng katarungang inilibing sa hukay.

Ngayon, mga luha mo’y said na at tuyo
Sa harap ng nagbabagang apoy ng mga sulo;
Habang ang mga mata’y nakatuon sa nahukay na mga biktima
Sa malayong bayan ng Shariff Aguak.

Continue reading Nobyembre 23, 2009, Shariff Aguak, Maguindanao

Ina

Poetry by | August 16, 2009

Tahimik at malamig ang umaga.
Walang humpay ang ulan
Sa iyong paglisan.

Puso nami’y nagluluksa,
Ngunit bakit ang orkidyang dilaw
Higit pang tumingkad?

Continue reading Ina

Hugis

Poetry by | May 24, 2009

ano ang hugis ng pag-ibig

ito ba’y parisukat
nakakulong
sa iyong bawat naisin

ito ba’y tatsulok
karibal ang haplos ng kahapon ang bukas
ngayon

ito ba’y bilog
paurong-sulong
walang katiyakan

ito kaya’y walang hugis

pumipintig
hindi mayapos

dumadaloy
pumipitlag

dahil sa iyo

Continue reading Hugis